Gusto mo bang makatipid pero palaging ubos ang kaban mo kada katapusan ng buwan? Kadalasan, wala kang overview sa kung magkano ang nagagastos mo kada buwan, kaya nagugulat ka na lang sa katapusan. Sa mga tip na ito, tapos na ang mga araw na ‘yon! Ipapakita namin sa iyo kung paano ka makakapag-ipon kada buwan, sa kabila ng mga tumataas na presyo.
Paghiwa-hiwalayin ang mga account
Maliban sa kasalukuyan mong account, na ginagamit mo para sa mga pang-araw-araw mong gastusin, magbukas ng hiwalay na savings account. Matitiyak nito na hindi mo magagastos nang hindi sinasadya ang mga naipon mo na dati.
Bawal ang overdraft facility
I-deactivate ang overdraft facility ng kasalukuyan mong account. Marami sa mga account ang nag-o-offer ng overdraft facility na nagbibigay-daan sa iyo na gumastos ng pera nang lampas sa kasalukuyang mayroon ka. Tunog praktikal ang serbisyong ito, pero posible itong maging patibong. Kadalasan, ang sobrang halagang io-overdraw mo sa iyong account ay papatawan ng interes, na kailangan mong bayaran. Tiyaking palaging nasa balance ang kasalukuyan mong account at mas maganda kung wala itong overdraft.
Naka-fix na halaga ng ise-save
Tingnan ang lahat ng naka-fix mong gastos (renta, mobile phone bill, sasakyan, atbp.) at kaltasin ang mga iyon sa buwanan mong netong kita. Sa natitirang halaga, isiping mabuti kung magkano ang gusto mong gastusin sa pagkain, paglilibang, at iba pa at kung magkano ang kaya mong ipunin. Maging ambisyoso, pero totoo sa sarili mo. Kung masyadong mahigpit ang mga plano mo sa pag-iipon, mawawalan ito ng saysay kung kailangan mo ring gumawa ng mga eksepsyon kada buwan. Pumili ng mas mababang halagang iipunin na kaya mo talaga.
Standing order
Palaging maging maagap. Sa halip na i-transfer ang matitirang pera mula sa kasalukuyan mong account papunta sa savings account mo sa katapusan ng buwan, mag-set up ng standing order na nagta-transfer ng naka-fix na halaga sa simula ng buwan. Sa ganitong paraan, hindi ka matutuksong gastusin ang halagang iipunun mo.
Gayunpaman, tiyaking pumili ng petsa para sa standing order na hindi bababa sa tatlong araw pagkatapos ng araw ng suweldo mo. Dahil hindi nagpoproseso ang mga bangko ng mga transaksyon tuwing Sabado’t Linggo at kapag holidays, minsan ay puwedeng late ang pagpasok ng suweldo mo sa iyong account.
Patuloy na mag-optimize
Subukan ang bago mong savings plan sa loob ng tatlong buwan at tingnan kung kaya mo itong pangatawanan. Pagkatapos, pag-isipan kung masyado ka bang nagiging mahigpit o kung may kaya ka pang tipirin.
Kung hindi mo talaga kayang pangatawanan ang plano mo, pumili ng mas mababang halagang iipunin na kaya mong sundin kada buwan. Wala ring saysay ang sobrang ambisyosong plano kung kailangan mo itong isuko pagkalipas ng dalawang buwan.
Pero kung kinakaya mong pangatawanan ang savings mo kada buwan, puwede mong ikonsiderang taasan pa ang halagang iniipon mo. Suriin ang mga gastos mo at tumingin-tingin ng mga puwede mo pang matipid. May mga mas mura bang alternatibo sa lunch break mo? O puwede ka bang mag-cancel ng isang streaming subscription? Pero huwag kalimutang i-treat ang sarili mo paminsan-minsan. Sa maliliit na reward, napapanatili mo ang sarili mo na motivated at napapataas mo ang tsansa mong pangatawanan ang savings plan mo.
Makakatulong sa iyo ang mga tip na ito na makatipid. Kung gagawa ka ng makatotohanang savings plan at pangangatawanan mo ito palagi, tiyak na maaabot mo ang layunin mo, anuman ito.