Nakatanggap ka na ba ng text, tawag, o email tungkol sa mga libre o murang bakasyon sa isang sikat na tourist destination? Mag-ingat, posibleng isa itong travel fraud. Baka mauwi ka sa pagbabayad ng hidden fees, o mas masaklap, wala ka talagang ma-book na ticket at scam lang ang lahat.
Ang trravel fraud ay may kinalaman sa mga ilegal at mapanlokong practice sa industriya ng pagbibiyahe at turismo. Dahil madali at instant na ang pag-book, parami na nang parami ang mga online travel scam. Isa man itong travel agent scam o pekeng website, mahalagang malaman mo kung paano tutukuyin, iiwasan, at ire-report ang mga scam na ito.
Hinihintay ka ng mundo na i-explore ito, pero inaabangan ka rin ng mga scammer. Bago ka bumiyahe, alamin ang 4 na karaniwang travel scam na ito:
Mga digital dupe: Mga pekeng website, app, at listing
Gumagawa ang mga scammer ng mga pekeng travel website o listing sa mga authentic na website para magbenta ng mga ‘libreng’ vacation package, hotel reservation, at air ticket.
Parami na nang parami ang mga cloned na travel app. Kamukha talaga ng mga mapanlokong app na ito ang mga sikat na site gaya ng TripAdvisor o Airbnb, pero ninanakaw nito ang personal mong impormasyon para gayahin ka.
Mga pekeng agency: Masyadong maganda para maging totoo
May mga pekeng travel agent na aalukin ka ng mga ‘exclusive’ na deal sa kakaibang murang presyo, at mamadaliin kang mag-book. Puwede ka ring alukin ng mga agent na ito na i-update o pabilisin ang passport at visa mo.
Iwasan ang mga ganoong online travel agency kahit nagmamadali ka. Palaging pumunta sa iyong local government office para mag-renew o kumuha ng mga ganitong dokumento.
Phishing: Huwag magpabingwit
Puwedeng gamitin ng mga manloloko ang mga hindi kilalang link at attachment para i-hack ang device mo. Pagkatapos, gagamitin nila ang personal mong impormasyon para mag-book ng mga flight, hotel room, o gumamit ng reward points sa ilalim ng pangalan mo.
Currency exchange: Tunay o peke?
May ilang exchange rate bureau na naniningil ng ekstrang bayad, lalo na sa mga sikat na tourist spot. Puwede ring magpanggap ang mga scammer bilang exchange authorities, na nanakawan ka ng cash sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng mga pekeng perang kamukha ng orihinal.
Ang bakasyon ay ang panahon para maging malaya at magkaroon ng mga hindi malilimutang experience, pero top priority rin dapat ang safety. Narito ang ilang rekomendasyon bago at habang nasa biyahe para panatilihing swabe ang biyahe mo at ligtas ang pera mo sa bawat pagkakataon:
Paghahanda bago ang biyahe
✓ Magbasa ng mga review: Para kumpirmahin kung mapagkakatiwalaan ang isang website o app, palaging magbasa ng mga review sa Google at mga social media platform.
✓ Iwasan ang mga hidden cost: Huwag kailanman magbayad nang advance para sa mga karagdagang serbisyo bago mag-confirm. Kung hindi mo kailangan ng isang serbisyo, tanggihan ito, kahit na sabihin nilang ‘libre’ ito.
✓ Humingi ng mga verification document: Ang bawat lehitimong travel agency ay may email address, phone number, at pisikal na address. Kung wala sila ng lahat ng nabanggit, posibleng hindi sila mapagkakatiwalaan. Hingian ang travel agency ng mga tamang credential, registration document, at verification bago magbayad.
✓ Huwag mag-wire ng pera: Puwedeng i-pressure ka ng mga manloloko na mag-wire agad ng pera para i-upgrade kunwari ang mga flight seat mo o mag-book ng mga executive na luxury room sa isang resort sa mas murang presyo.
✓ Credit card at currency exchange: Gumamit ng mga credit card sa halip na mga debit card dahil mas secure ang mga ito. Palaging sa sarili mong bansa ka magpapalit ng pera para makaiwas sa mas mahal na bayarin. Kapag nagdududa ka, palaging magpunta sa bangko dahil mas mapagkakatiwalaan sila kaysa sa mga private agency.
✓ Kumuha ng travel insurance: Kumuha ng all-inclusive na travel insurance policy na nagko-cover sa mga medikal mong gastusin, nawawalang baggage, singil sa cancellation, at delay. Palaging ihanda ang mga policy document at contact information ng insurer.
✓ Bumili ng travel guidebook: Palaging mag-research nang mabuti tungkol sa pupuntahang bansa. Puwede ka ring makahanap ng ilang travel guide na partikular sa bansa na naglilista ng mga karaniwang scam sa bansang iyon.
✓ Panatilihing updated ang iba: Bago umalis, kontakin ang bangko mo para ipaalam sa kanila ang mga petsa ng bakasyon mo, mga destinasyon, at card na gagamitin mo. Huwag ding kalimutang ibigay ang contact information ng travel insurer mo sa mga kaibigan at kapamilya mo kung sakaling magkakaroon ka ng emergency.
Pagiging alisto on-the-go
• ATM alert: Gumamit lang ng mga ATM na nasa mga lugar na maliwanag, maraming tao, at ligtas. Huwag hayaang may sumilip na iba habang inilalagay mo ang PIN mo.
• Magtiwala sa kutob mo: Mga nanlilimos man ito sa kalye o estranghero na nagdadrama o namimilit, kung hindi maganda ang kutob mo, iwasan sila.
• Mga pocket protector: Panatilihing ligtas ang iyong passport, visa, at iba pang identity document sa isang waist pouch, money belt, o inner pocket ng bag mo. Huwag basta iwan ang mga dokumento mo sa mga pampublikong lugar.
• Mga must-have na gadget: Para maiwasang makompromiso ang pribado mong data, gumamit ng mga sarili mong charging cable. Kung sakaling kailangan mong gumamit ng pampublikong charging station, gumamit ng USB data blocker. Ang pinaka-safe na alternative ay ang paggamit ng mga power bank para i-charge ang mga device mo on the go.
Panatilihing safe ang data mo sa pamamagitan ng pag-disable sa data transfer option sa mobile phone mo. Iwasan ding kumonekta sa mga libreng public wi-fi connection.
Kapag na-check mo na ang lahat ng nabanggit na points, makakapag-focus ka na sa paggawa ng mga memory.
Mag-enjoy sa susunod mong adventure!