Ang identity theft ay kapag ilegal na ninakaw ng isang scammer ang personal mong impormasyon at nagpanggap siya bilang ikaw, kadalasan para magsagawa ng panloloko o iba pang krimen. Madaling mahanap ang mahahalaga nating personal na detalye, sa pamamagitan ng social media, mga forum, o sa pamamagitan ng mga mail na dine-deliver sa mga bahay natin. May iba’t ibang uri ng identity theft, kaya mahalagang maging #BeFraudSmart at manatiling mas may alam kaysa sa mga scammer. Puwede itong makaapekto sa iyong mga pinansya, credit, medikal na record, trabaho, at maging reputasyon mo.
Mga uri ng identity theft
Pinansyal na Identity Theft
Ito ang pinakakaraniwang uri. Gamit ang personal na impormasyon, nagla-log in ang mga scammer sa ating mga bank account o naglo-loan sila. Gumagamit sila ng mga nakaw na impormasyon para bumili ng mga mamahaling bagay, magnakaw ng ipon, o mang-scam ng iba gamit ang ating mga account.
Medikal na Identity Theft
Nagnanakaw ang mga scammer ng mga personal na impormasyon para makuha ang iyong mga medikal na benepisyo o claim. Makakaapekto ito sa iyong mga medikal na record dahil sa pagdaragdag ng mga maling impormasyon, kaya mahihirapan kang makuha ang pangangalagang kailangan mo.
Criminal Identity Theft
Puwedeng gamitin ng scammer ang pangalan mo sa halip na pangalan niya kapag naaresto siya. Nakakatulong ito sa kanya na makaiwas sa mga court order, magtago sa warrant, o panatilihing malinis ang kanyang record. Kung mangyayari ito, mapupunta sa mga record natin ang mga krimen na hindi natin ginawa.
Tax Identity Theft
Nagfa-file ng mga pekeng tax return ang mga manloloko gamit ang ating pagkakakilanlan para magnakaw ng mga refund. Posibleng mapansin na lang natin ito kapag nagfa-file na tayo ng tax return.
Child Identity Theft
Gumagamit ng pangalan ng bata ang mga scammer para mag-apply ng mga loan, makakuha ng mga credit card, o magrenta ng bahay. Sa kasamaang-palad, dahil hindi chine-check ng karamihan sa mga tao ang credit ng kanilang anak, posibleng magtuloy-tuloy nang ilang taon ang panlolokong ito.
Employment Identity Theft
Gumagamit ang mga scammer ng personal na impormasyon gaya ng pangalan, government-issued ID, o address para makakuha ng trabaho. Puwede itong magdulot ng malulubhang problema, gaya ng mga pagbabayad ng buwis para sa kita na hindi natin kailanman kinita. Puwede rin itong makaapekto nang masama sa mga credit score kung gagamitin nila ang pekeng impormasyon sa trabaho para mag-loan.
Synthetic Identity Theft
Pinaghahalo ng mga scammer ang mga totoo at pekeng impormasyon para makagawa ng bagong pagkakakilanlan. Ginagamit nila ang bagong pagkakakilanlang ito para magnakaw ng pera mula sa mga bangko o mag-apply ng mga loan na hindi nila kailanman balak bayaran.
Paano nangyayari ang identity theft?
Nangyayari ang identity theft anumang oras, kahit saan. Kaya napakahalaga na maging maingat kung kailan at saan ka nagshe-share ng impormasyon mo. Narito ang ilan sa mga karaniwang lugar kung saan nangyayari ang identity theft:
- Mga pekeng email o message: Nagpapadala ang mga scammer ng mga email na mukhang nagmula sa mga kakilala natin. Tinatawag ding Phishing ang ganitong uri ng scam.
- Mga hindi kilalang download: Kapag nagbukas ka ng mga hindi kilalang link, puwede itong makapag-install ng mga hindi gustong app sa mga device. Nagbibigay-daan ito na manakaw ng mga scammer ang ating impormasyon o makapagkalat sila ng mga virus sa mga device natin.
- Social media: Puwede silang maghanap ng mga profile at puwede nilang nakawin ang identity mo o anumang available na detalye para makapang-scam ng iba.
- Mga nakaw na device: Ginagamit ng mga manloloko ang impormasyon mula sa mga nakaw na phone o computer para makapang-scam ng iba.
Mga senyales na may nagnakaw ng identity mo
Posibleng hindi mo agad mapansin na ginagamit sa ilegal na paraan ang identity mo. Pero puwede kang maging maagap laban sa mga scammer at maging maingat sa impormasyon at sa mga link na binibisita mo. Narito ang ilang senyales na makakatulong sa iyo na manatiling maingat:
- Mga email o mail tungkol sa mga account na hindi mo binuksan
- Mga bill o singil sa mga bagay na hindi mo kailanman binili
- Mga tawag mula sa mga debt collector tungkol sa anumang loan na hindi mo kailanman inutang
- Mga email o message sa pag-reset ng password na hindi mo ni-request
- Biglaang pagbaba ng credit score mo
Mga tip para maiwasan ang identity theft at manatiling ligtas
Kasama sa pag-alam sa mga senyales, mahalaga ring malaman ang mga tip para makaiwas sa identity theft. Narito ang ilan sa pinakamagagandang tip laban sa identity theft para maging #BeFraudSmart:
- Gumamit ng malalakas at unique na password para sa bawat account.
- I-on ang two-factor authentication para sa dagdag na seguridad.
- Tumingin ng mga website bago maglagay ng mga personal na detalye.
- Mag-ingat kapag nagshe-share ng impormasyon sa social media.
- I-check nang madalas ang mga bank statement at credit report.
- I-shred ang mahahalagang papeles bago itapon ang mga ito.
- Gumamit ng VPN kapag kumokonekta sa pampublikong Wi-Fi.
Ano ang dapat gawin kapag may identity theft?
Kung sa tingin mo ay may nagnakaw ng identity mo, i-report ito. Sa paggawa agad ng mga tamang hakbang, makakatulong ito sa paglutas mo ng problema. Narito ang dapat gawin:
- Palitan ang mga password mo: I-update ang mga password sa lahat ng mahahalagang account para maiwasan ang higit pang pag-access. Gumamit ng malalakas na password na may mga simbolo at pinaghalo-halong letra.
- I-report ang pagnanakaw: Tawagan ang bangko para i-freeze ang bank account mo kung kailangan. Kontakin ang mga credit company gaya ng Equifax para maglagay ng fraud alert sa mga account na iyon. Kung may nagnakaw ng pera, i-report ito sa lokal na polisya.
- Protektahan ang mga device mo: Gumamit ng mapagkakatiwalaang antivirus software sa mga phone at computer. Mag-check kung may mga virus o anumang application na puwedeng makapagnakaw ng personal na impormasyon.
- I-freeze ang credit mo: Kumontak sa mga credit bureau para pigilan ang mga scammer na magbukas ng mga account sa pangalan mo. Hindi ito makakaapekto sa paggamit mo ng credit card at ihihinto nito ang pag-issue ng mga card nang wala ang pahintulot mo.
- Mag-file ng opisyal na ulat: Mag-file ng reklamo ng identity theft sa opisyal na organisasyon. Makakatulong sila sa pagpaplano kung paano lulutasin ang problemang ito. Magbibigay rin sila ng mga dokumento para ayusin ang mga problemang may kinalaman sa panloloko sa mga bangko o negosyo.
Puwedeng mangyari ang identity theft sa sinuman, pero sa pamamagitan ng pananatiling alerto, matutukoy mo ang mga babalang senyales at magiging #BeFraudSmart ka. Panatilihing ligtas ang mga personal mong detalye, mag-isip muna bago mag-share ng impormasyon, at regular na i-monitor ang mga account mo. Kapag mas may alam ka, mas mahihirapan ang mga scammer na samantalahin ka. Mas madaling labanan ang panloloko kapag mas safe at mas smart tayo nang sama-sama.
At kung nagpadala ka ng pera sa pamamagitan namin at naghihinala ka na may panloloko, huwag mag-atubiling i-report ito agad sa amin.