Pag-usapan natin ang mga immigration scam. Paano uutakan ang mga manloloko!

Maging Global By Western Union May 29, 2025

Maraming kaakibat na hamon ang paglipat sa ibang bansa: pag-aasikaso ng mga papeles, pag-aaral ng bagong wika, pag-unawa sa sistema, at marami pang iba. Sa kasamaang-palad, may kaakibat din itong mga panganib gaya ng pagtatangka ng mga scammer na samantalahin ka. Nakaka-overwhelm kapag sinusubukan mong malaman kung kuwalipikado ka ba para sa visa o green card, saan maghahanap ng mapagkakatiwalaang impormasyon, at paano titiyakin na wala kang mapapalampas na mahalaga. Pamilyar ba ang mga ito? Hindi ka naman nag-iisa at hindi rin totoo na wala kang magagawa!

Bukod pa sa lahat ng ’yan, nariyan ang mga scammer, at kadalasan ay pinupuntirya nila ang mga immigrant sa pamamagitan ng pananamantala sa kanilang takot na ma-deport at sa kanilang pagkalito. Pero sa tamang impormasyon, kaya mo silang matukoy at maiwasan.

Paano tutukuyin ang mga scammer na ’yan.

Hindi lang personal ang galawan ng mga scammer, mahilig din silang gumamit ng internet, phones, at kahit social media. Inaalam mo man ang higit pa tungkol sa immigration, naghahanap ka ng trabaho, o nagba-browse ka lang online, puwedeng lumitaw ang mga scam sa maraming anyo. May ilan na sinusubukan kang akitin gamit ang mga pangako ng mabibilis na visa o serbisyo. Ang iba naman ay puwedeng magpanggap na mga empleyado mula sa mga ahensya ng pamahalaan, na nagsasabing may problema sa mga papeles mo at naniningil ng advance na bayad para “ayusin” ito, kung hindi ay made-deport ka.

Kabilang sa ilan sa mga taktikang ito ang mga sumusunod:

Mga unsolicited na offer: Mga email o tawag sa telepono na nangangako ng mga visa, citizenship, o mabilis na pagpoproseso na masyadong maganda para maging totoo.

Mga demand na magbayad in advance: Lalo na kung pinipilit ka nilang magbayad agad gamit ang mga kakaibang paraan gaya ng mga wire transfer, gift card, o cash.

Mga pekeng opisyal na website: Mga site na mukhang lehitimo pero nanghihingi ng mga hindi kinakailangang impormasyon sa pagbabayad o personal na impormasyon.

Mga pananakot: Pagbabanta na ipapa-deport ka o idedemanda ka kung hindi ka kikilos agad.

Paghingi ng sensitibong impormasyon: Palagi ka dapat maging maingat kapag may nanghihingi ng mga sensitibo mong detalye gaya ng iyong passport number, Social Security number, o impormasyon ng bangko, lalo na kung walang malinaw at lehitimong dahilan. Kadalasan, may access na ang mga scammer sa mga nakakagulat na dami ng personal mong impormasyon, gaya ng buo mong pangalan, address, petsa ng kapanganakan, o maging ang nasyonalidad mo. Karamihan sa mga ito ay makukuha sa mga social media o online forum, kaya kahit mukhang wala namang maidudulot na masama ang paghingi ng isa pang detalye, posibleng ito na ang huling impormasyong kailangan nila para makapagsagawa ng identity theft.

Gusto kang takutin ng mga scammer na mawala mo ang iyong immigration status para manakaw nila ang pera mo o ang personal mong impormasyon. Pero tandaan, hindi kailanman tatawag ang mga pamahalaan para maningil ng mga biglaang bayad para mag-ayos ng isyu sa visa, kaya ibaba mo lang ito!

 

Mga tip para protektahan ang sarili laban sa mga immigration scam.

Ginagamit ng mga scammer ang takot na ma-deport o mawala ang immigration status para nakawin ang pera mo o ang personal mong impormasyon.

  1. Iwasang magbayad ng cash: Hindi kailanman hihingi ng mga cash-only na bayad ang mga totoong ahensya ng pamahalaan. Halimbawa, ni hindi nga tumatanggap ng cash ang US Citizenship and Immigration Services (USCIS). Kung may magde-demand ng cash, red flag ’yan.
  2. Mag-double check, huwag manghula: Kung may magsasabi na isa siyang empleyado ng pamahalaan, hilingin mo na makita ang kanyang ID. Huwag mahiya! Direktang makipag-ugnayan sa agency para i-verify ang kanyang mga kredensyal gamit ang office phone number mula sa kanilang website, hindi ang number na ibinigay niya sa iyo.
  3. Walang kailangang bayaran para sa mga form: Puwede mong i-download nang libre ang mga immigration form mula sa mga opisyal na website ng pamahalaan. Huwag magbayad para lang mag-access ng form.
  4. Magtabi ng mga kopya: Manatiling organized sa pamamagitan ng pagtatabi ng mga kopya ng lahat: mga application, email, sulat mula sa mga tanggapan ng immigration, atbp. Makakatulong ang mga ito sa iyo sa susunod.
  5. Alamin ang mga tunay na bayarin: Hindi ka kailanman sisingilin ng mga hidden fee ng mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga email o tawag. Kung may maniningil sa iyo para sa isang bayad na kakaiba, i-verify ito sa pamamagitan ng opisyal na site ng ahensya.
  6. Protektahan ang iyong sensitibong impormasyon: Ibahagi lang ang iyong passport number, mga detalye ng visa, o iba pang sensitibong impormasyon sa mga verified na empleyado ng pamahalaan. Palaging tanungin kung bakit nila kailangan ang impormasyon at kung may mga tanong ka, direktang bisitahin ang opisina ng pamahalaan.

Maiikling paalala:

  • Maging maingat sa mga nakakasorpresa o hindi inaasahang offer.
  • Bantayan ang mga pangako ng “mga garantisadong visa” o mga pinabilis na serbisyo.
  • Palaging i-verify ang mga kredensyal at impormasyon ng contact.
  • Iwasang magpadala ng pera sa pamamagitan ng mga wire transfer, money order, o gift card.
  • Huwag magmadali sa pagdedesisyon dahil sa takot, hindi ganyan ang paraan ng mga tunay na empleyado ng pamahalaan.
  • Ibaba ang tawag at direktang makipag-ugnayan sa ahensya gamit ang mga opisyal na channel kung hindi ka sigurado

Mas Matalino at Mas Ligtas Kung Sama-Sama #BeFraudSmart

Umaasa ang mga scammer sa pagkalito at takot. Pero kung mas marami kang alam, mas safe ka. Tandaan: magdahan-dahan, i-verify lahat, at huwag kailanman magmadali sa pagbabayad o pagdedesisyon dahil sa takot.

Kaya mo ’yan—at palaging may mga mapagkakatiwalaang resource at tao na makakatulong sa iyo sa bawat hakbang mo.